LIKE US ON FACEBOOK177K FOLLOWERS NA TAYONG NAKATANGHOR DINE KABATANG!!

Batangas Beach Resorts Na Puntahing Maige: Saan Ka Na Dine Nakapag-Swimming, Kabayan?

Tweet about this on TwitterShare on Google+0Share on Facebook1.5kShare on StumbleUpon0Pin on Pinterest0Share on LinkedIn0Share on Reddit0

Batangas beach resorts na puntahing maige…

Ang trip ga ay Batangas beach resorts na malapit laang at affordable?

Saan nga ga masarap at ayos mag-beach dine sa Batangas? Aling mga lugar ga dine sa atin ang maituturing na may best beach resorts in Batangas? Huwag mag-alala Kabayan, madami tayung pagpipilian dine sa atin! Basahe na areh…

  1. Pagkilatan, Batangas City – masyado nang madumi ang Lea Beach sa Tabangao, kung kaya may mga napapadpad sa lugar na areh ng Pagkilatan. Malinis at malinaw ang tubig dine. Hindi namin tiyak kung tuloy padin ang operasyon ng Matuko Resort duon pero madami na ding mga resort na nagsusulputan, kasama na din ang mga residenteng nagpapaupa ng private cottages at kubo. Malinis ang dagat at hindi pa masyadong crowded. Swak na swak sa mga taga-Batangas City na ayaw lumayo.
  2. Lobo, Batangas – Santambak din ang mga beach resort dine, mamimili ka sa dami. Mayroong dineng mga tinatawag na public beaches na ang kailangan mo laang ay umupa ng cottage at katalo na. Mayroon ding malapit sa Poblacion, Masaguitsit yata ang tawag duon. Mayroon din sa mga pabukid. Subukan ninyo ang mga resort sa Soloc at Malabrigo (may lighthouse pa dine). Sikat din dine sa Lobo ang Gerthel Beach Resort Lobo Batangas, Butterfly Beach Resort Lobo Batangas, Lily Beach Resort Lobo Batangas at Almalin Beach Resort. Wag kalimutang magdala ng maayos na driver, yung hindi masyadong nabarek dahil sa mala-Baguiong karsada paakyat at pababa ng kabundukan ng Lobo.
  3. Locloc, Bauan, Batangas – Ay kainam ng lugar na areh. Hindi namin akalaing may nakatagong maayos na dagat-liguan dine sa Bauan na kung tutuusin ay dapat polluted na dahil sa pier, mga iskwater at mga pabrika sa paligid nareh. Malinaw at malinis ang dagat tulad ng sa Lobo at Pagkilatan, kapares din ang buhangin nareh… mas pino nga laang at mas maputi. Paboritong puntahan namin dine ay ang magandang beach na La Thalia Beach Resort sa Sitio Bubuyan, Locloc.
  4. Nonong Casto, Lemery, Batangas – Areh ang walang kamatayang puntahing beach sa Batangas simula pa noong unang panahon ng mga mamay. Dinudumog na maigi ng napakaraming tao hindi laang ng mga Batanginyo kundi ng iba pang mga probinsyano tulad ng mga taga-Cavite, Laguna at pati mga taga-Metro Manila. Dahil nga sa sobrang dayuhin ng napakadaming tao ay wag mo nang asahang malinis at malinaw ang tubig-dagat dine. Ordinaryong itim ang kulay ng buhangin dine pero mapino at masarap yapawin. Gayunpaman ay guyor padin ang tawo dine kapag summer. Halos nagtatraffic na sa kanto papasok sa area ng mga beach resorts dine sa barangay na areh. Matatagpuan dine ang walang kamatayang La Familia at Leonor Beach Resort. Sikat ngayon dine ang A. Santos Beach Resort at La Suenia Breeza (ayon sa isang La Suena Brisa Beach Resort review ay sikat daw areh sa mga taga-Lipa City). Pideh ring subukan ang mga sumusunod: Rico Beach Resort Lemery Batangas, Villa Gracia Beach Resort, Abaksa Beach Resort at ang sumisikat na CML Beach Resort and Waterpark.
  5. Butong, Taal at San Luis, Batangas – dahil areng mga lugar na areh ay bumabaybay sa Balayan Bay ay may mga resorts ding nag-ulputan dine. Sa bandang San Luis makalampas ng poblacion ay may mga resorts na ayos din, may kwarto na at cottages din. Sa Taal naman ay sikat ang tabing-dagat ng Butong. Pinagpi-fiestahan ng mga taga-Taal ang baybaying dagat na areh kapag tag-araw. Public beach areh kaya kanya-kanyang picnic ang mga tawo dine dahil walang bayad lalo na kapag kapos sa budget para magtungo pa sa mga beach resort sa Lemere.
  6. Matabungkay, Lian, Batangas – nadidine ang sikat na Matabungkay Beach Resort. Mala-Laiya din ang buhangin dine (singputi at mas pino) at sandamukal din ang mga resort dine sa barangay na areh sa Lian, Batangas. Itinuturing nuon na best beach in Batangas, kaso’y bahagyang nalaos na. Trademark nila ang malalaking floating balsa. Sa sobrang sikat ng mga balsang areh ay nagbalandra ang mga areh sa dagat. Medyo hasel nga laang sa pagsi-swimming-swimming ng mga tawo. Sindami ng tao sa Nonong Casto ang mga taong nadayo dine.
  7. Calaca, Batangas – nakapagswimming na kami dine nuon. Sa bandang Barangay Puting Bato, Calaca, Batangas. Katulad din laang ng sa Nonong Casto ngunit mas malinis ng kaunti dahil hindi areh masyadong crowded. Cababalo Beach Resort, Marigaclac Beach Resort at Filipina Beach Resort in Calaca Batangas ang mga napuntahan ko dine. Ayus din laang.
  8. Nasugbu, Batangas – ay areh ang dayuhin ng mga sosyal na turista “daw” dine sa Batangas. Wag mag-alala dahil may mga pang-masa din namang resort dine. Areng lugar na areh ang target namin ngay ong tagbanas. Magaganda daw ang mga resort at may nightlife pa. Dinadayo din daw areh ng mga forenjers. Madaming beach activities. Highly-recommended ika nga. Kanya-kanya na laang tayong research kung saan magandang pumunta dine. May Canyon Cove, Bernabeach, Maya-maya, Tali, Hamilo Coast beach resort. Nadiyan din ang Maryland Beach Resort Batangas at sempre ang Club Punta Fuego Batangas. Pagalingan na laang ng pagpili, Kabayan.
  9. Calatagan, Batangas – Ang tanging napuntahan ko laang dine ay yung Stilts Calatagan, Aquaria Batangas resort at yung kay Ricky Reyes na resort (Golden Sunset ata yun) kung saan pumuslit laang kami. Malinis ang dagat, maganda ang sceneries at white sand pa. Umaatikabo ang init dini kaya feel na feel mo ang summer dini. Ayos na ayos din. Subukan din ninyo ang Burot beach na siayng dinadayong maigi dini. Areh ang sia sa mga target din naming dayuhin soon. Baka areh na ang sunod na Laiya ng Batangas sa malapit na hinaharap.
  10. Laiya, San Juan, Batangas – areh ang pinakasikat na puntahing beach ngay on dine sa ating probinsya, ika nga daw ay the best beach in Batangas. Dinadayong maigi ang lugar na areh. Kung nuong unang panahon ay sobrang liblib na lugar pa ang San Juan, ngay on ay asensado na dahil sa turismong dulot nareng Laiya beach resorts. Sandamukal ang mga beach resort dine. May pang-masa at may mga ginto din. May public resort sila dine, yuong walang entrance ay pideh ka nang maglublob sa tubig. Babayad kana laang ng cottage o kaya ay apartment na pideng daytrip o overnight. Kung may sasakyan ka naman na may mapaparkingan at daytrip laang ang hanap ay wala ka na halos babayaran lalo na kung may binug-ong pa kayong baon. Yun nga laang, wala kayong masisilungan kung hindi kayo uupa ng cottage. Agwanta kayo sa init ng araw. Uuwi kayo ng bahay na kulay agipo kung afternoon swimming ang trip. Ang paborito namin dine pag may budget ay Sabangan Beach Resort at La Luz Beach Resort. Pideh ring subukan ang Acuatico Beach Resort, Virgin Beach Resort, Palm Beach Resort Batangas at ang Aquaverde Beach Resort.
  11. Mabini, Batangas – dapat ay hindi ko na isasama areh sa listahan kung ang hanap talaga ay mapapanliguan at hindi yuong mga sisidan, diving o snorkeling dahil nuknukan ng mabato ang mga beach dine. Pero kung diving nga at snorkeling ang tunay na hanap ay mapapaigi ka sa Mabini dahil word-class ang mga sisidan dine. Pero kung talagang matigas ang ulo at ikaw ay haleng na makapag-swimming dine sa Mabini ay humanda kang mabukulan sa ulo, matapyasan ang talampakan ng paa at matinik ng salungo. Sikat dine ang Vistamar Beach Resort Batangas, Vista Aplaya Beach Resort at ang Anilao Beach Resort.
  12. Isla Verde, Batangas City – Panalo ang mga baybaying-dagat sa islang areh na nasasakupan ng Batangas City. Malinis at malinaw ang tubig-dagat, swabeng-swabe ang ambience ng isla at hindi mo maikukumpara sa mga naunang nabanggit na mga beach (dahil isla nga areh kaya maganda). Dine matatagpuan ang Dos Palmas Verde Island Resort.
  13. Tingloy, Batangas – bagong dagdag laang areh sa ating listahan dini at talaga nga namang sikat na sikat ngay-on ang bayan ng Tingloy. Bakin nga ga? Dahil dini matatagpuan ang ngay-oy sikat na sikat na Masasa Beach. Guyor ngay-on ang mga tawo dini na hindi laang mga taga-Batangas kundi galing pa sa malalayong lugar tulad ng mga taga-Metro Manila at mga karatig lalawigan. Puti ang buhangin dini at talaga nga namang malaparaiso ang lugar kung kaya’t dagsa ang mga turista dini ngay-on.

Yaan ho ang mga puntahing beach dine sa atin sa Batangas. Madami-dami din nga ano? Ilan na dine ang iyong napagswimmingan? Alin ang pinakamahusay para sa iyo? Alin ang best beach in Batangas para sa iyo? Kahit anu pa man, sana’y masulit nating maigi ang ating bakasyon ngay ong tagbanas 2015…

la luz beach resort beachfront

 

PS: At kung umay na umay na talaga sa mga dagat natin dine at malayuang tawid-dagat ang trip ay dalwa laang naman ang mainam at pinakasikat na summer destination sa Pinas  – ang Puerto Galera sa Mindoro at sempre ang super-sikat na Boracay Island.

Pero pass na muna kami diyan at kami’y puro bahite. Ika’y pumar on at kami’y dine na laang. Ang mainam nga laang pag dine sa atin nagswimming ay di tuong pagod pagkauwi galing sa panliligo sa dagat… 😀

Natuwa ka ga o naalibarbaran sa artikel na areh? Aba’y pasuyo naman na maishare areh sa iyong mga kaibigan. I-click mo laang ang mga “Share buttons” sa ibaba at nang masaya tayong lahat! 😀

Tweet about this on TwitterShare on Google+0Share on Facebook1.5kShare on StumbleUpon0Pin on Pinterest0Share on LinkedIn0Share on Reddit0
10 Comments

Add a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *